Pagbabakuna sa mga menor de edad, hindi umano solusyon para matigil ang pagkalat ng Coronavirus
Hindi umano solusyon ang pagtuturok ng covid vaccine sa mga menor de edad para matigil ang pagkalat ng virus.
Ayon kay Senador Nancy Binay, dapat maging praktikal ang gobyerno at tutukan ang mga vulnerable sector tulad ng mga mahihirap na pamilya sa pagbibigay bakuna.
Sinusuportahan niya raw ang panukalang bakunahan ang mga menor de edad pero dapat tapusin muna ang vaccination sa mga madalas na lumalabas ng bahay, nagtatrabaho at araw-araw nakikisalamuha sa mga tao.
Kabilang na rito ang mga street vendor, driver at konduktor ng mga pampublikong sasakyan.
Iginiit naman ni Senador Francis Tolentino na dapat magkaroon muna ng pantay na distribusyon ng bakuna sa lahat ng syudad para pabilisin ang herd immunity.
Kailangan rin aniyang gawing transparent at isapubliko kung gaano karami ang natatanggap na bakuna at kung ito ay naiturok na.
Sa ganitong paraan tataas pa ang kumpiyansa ng publiko at maiintindihan ng mga tao kung bakit marami pa ang hindi nababakunahan.
Mungkahi ni Senator Sonny Angara , kung talagang kailangang bakunahan ang mga menor de edad, dapat agad pag- aralan ng gobyerno ang paghingi ng supplemental budget sa kongreso.
Hindi kasi aniya ito kasama sa pondo ngayong taon sa ilalim ng inaprubahang 2021 National budget.
Meanne Corvera