Pagbabakuna sa Taguig City itinuloy ngayong araw
Matapos pansamantalang itigil ang pagbabakuna sa Taguig City kahapon, Biyernes ay ipinagpatuloy na ito ngayong Sabado.
Ayon kay Dr. Jennifer Lou De Guzman, NationaL Immunization Program MedicaL Coodinator ng Taguig City, ang pangunahing binakunahan ay ang mga may comorbidities kagaya ng mga may hypertension, cancer, sakit sa puso, senior citizens o kahit hindi senior citizen basta may dalang reseta at ID bilang patunay na sila ay taga Taguig.
Bago makapagpabakuna ay kailangan munang magpalista at maghintay sa waiting area na matawag ang kanilang pangalan. Kapag natawag na ay maaari nang pumasok sa Taguig City Vaccination Training & Information Center, para sa counselling at screening bago sila bakunahan ng AstraZeneca at Sinovac.
Matapos bakunahan ay mamamalagi muna sa holding area ng hanggang 15-minuto para sila ay maobserbahan, at kung walang maging reaksyon sa bakuna ay saka pa lamang sila maaaring pauwiin.
Binigyang diin ni Taguig City Mayor Lino Cayetano, na titiyakin nilang mahigpit na susundin ang naaprubahang listahan ng prayoridad, dahil ang pagbabakuna ay magiging susi para matapos na ang pandemya.
Nangako rin ang mga opisyal ng lungsod, na may mga bakunang magagamit para sa isang milyong mamamayan, at bagamat tatanggap ng bakuna ang lokal na pamahalaan mula sa National Government, naghahanda pa rin ang lungsod ng isang fortfolio ng mga bakuna na tutugon sa bilang ng mga mamamayan para matiyak na ang bawat taga Taguig ay libreng mababakunahan.
Inaasahan naman ng Taguig na makatatanggap din ng suplay ng Novavax at Moderna vaccine.
Ang Taguig pa rin ang may pinakamababang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong Metro Manila.
Ulat ni VirnaLyn Amado