Pagbabalik ng lumang school year calendar ikinatuwa ng isang grupo ng mga guro
Ikinatuwa ng Teachers Dignity Coalition (TDC), ang hakbang ng Department of Education (DepEd), na ibalik sa lumang school calendar ang pasok ng mga estudyante.
Sa naging panayam ng programang Ano Sa Palagay Nyo (ASPN), ay sinabi ni TDC National Chairman Benjo Basas, na nagsumite na ang DepEd ng liham sa Malacanang na humihiling na aprubahan na upang ibalik ng June – March ang school calendar para sa 2024-2025.
Mas maikli ito sa orihinal na plano ng DepEd na ang school calendar para sa 2024-2025 ay magsisimula ng July 27, 2024 hanggang May 16, 2025.
Ayon kay Basas, “Tatapusin ng DepEd ang klase ng 2024-2025 sa March 31, 2025. Mas maaga, hindi na po May 16, 2025.”
TDC Chairman Benjo Basas sa panayam ng ASPN
Samantala, dahil halos wala nang bakasyon ang mga estudyante at guro kaya hiniling din ng TDC na huwag nang bigyan ang mga guro ng anumang tasking sa buong buwan ng Hunyo, upang makapagpahinga naman.
Ani Basas, “Yung June 1 to June 30, hindi puwedeng bigyan ng task ang mga teacher. Ang puwede lang Brigada Eskuwela session, learning session at lahat yan ay ibibigay ng July at voluntary.”
Tiniyak naman ni Basas, na bagama’t napaikli o kulang sa average na 180 days ang school year, ay hindi naman makokompromiso ang pagtuturo sa mga estudyante.