Pagbabalik ng serbisyo ng Provincial buses sa Metro Manila, Pinag-aaralan na ng LTFRB
Kinumpirma ni Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB Chairman Martin Delgra na simula ngayong buwan ay posibleng magkaroon na ng biyahe ng mga provincial buses papasok at papalabas ng Metro Manila.
Sinabi ni Delgra na masusing pinag aaralan ng LTFRB at Department of Transportation o DOTR ang mga usapin o concern na inilalatag ng mga lokal na pamahalaan na karamihan ay tutol pa rin sa pagbabalik ng biyahe mula Metro Manila papunta sa mga probinsiya dahil sa banta ng covid 19.
Ayon kay Delgra sa kabuoang 81 probinsiya sa buong bansa ang mga lalawigan lamang ng Quirino, Bataan at Antique ang pumayag sa pagbabalik ng biyahe ng provincial buses mula Metro Manila.
Inihayag ni Delgra sa Laging Handa press briefing na tinitingnan nila ang mga suhestyon sa mga protocol sa mga pasahero tulad nang ipinatutupad sa mga pasahero ng eroplano at barko.
Nilinaw ni Delgra na kung mabubuksan ang ruta ng provincial bus hindi ito biglaan kundi dahan dahan para makontrol ang dami ng pasahero na papasok at lalabas ng Metro Manila papuntang probinsiya.
Vic Somintac