Pagbabawal sa mga Barangay officials na makisawsaw sa pulitika ngayong campaign period, pinapalinaw sa Comelec
Humihingi ng paglilinaw sa Comelec ang ilang election lawyers kaugnay sa pagbabawal ng Poll body at DILG sa mga halal na opisyal ng barangay na makisawsaw sa pangangampanya ng mga kandidato sa darating na eleksyon.
Sa isang pahinang liham sa Comelec Law Department ng mga abogadong sina Romulo Macalintal, George Garcia at Sixto Brillantes na dating Comelec chair, hiniling nila magpalabas ang poll body ng official statement kaugnay sa isyu.
Naniniwala ang mga election lawyers na batay sa mga umiiral na batas at jurisprudence ay hindi bawal sa mga barangay officials na mangampanya para sa mga kandidato o makilahok sa mga partisan political activities sa panahon ng eleksyon.
Paliwanag pa ng mga abogado, hindi sakop ang mga elected officials gaya ng mga barangay chairman at kagawad at mga Sangguniang Kabataan sa pagbabawal sa electioneering sa ilalik ng Section 2(4) ng Article 9-B ng Saligang Batas.
Aplikable lang anya ang pagbabawal sa mga pangangampanya sa mga appointed officials at hindi sa mga elected officials.
Paliwanag pa nila, ang nakasaad sa ilalim ng Section 38 ng Omnibus Election Code ay ang brgy elections ang non-partisan at hindi ang mga Brgy. officials.
Dahil dito, kung ang incumbent president o iba pang elected officials ay pwedeng mangampanya para sa isang kandidato ay dapat ding aplikable ito sa mga opisyal ng barangay.
Ulat ni Moira Encina