Pagbabawas sa excise tax at value added tax sa mga imported oil products titimbanging mabuti ng economic team ng Malakanyang
Pag-aaralang mabuti ng economic team ng Malakanyang ang epekto ng pagbabawas sa sinisingil na excise tax at Value Added Tax o VAT sa mga inaangkat na produktong petrolyo.
Sinabi ni Acting Budget Secretary Toni Rose Canda na malaking pondo ang mawawala sa kabang yaman ng pamahalaan kapag binawasan ang mga buwis sa mga imported oil products.
Ayon kay Canda kapag binawasan ang ipinapataw na excise tax at VAT sa mga imported oil products makikinabang ang transport at agriculture sector subalit maaapektuhan naman ang ibang social services na ibinibigay ng gobyerno sa ibang sektor.
Inihayag ni Canda kabilang sa social services na apektado sa pagbabawas ng excise tax at VAT sa produktong langis ay ang financial assistance na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa mga mahihirap na mamamayan ganun din ang subsidy sa Department of Education para sa pag-aaral ng mga mahihirap na estudyante.
Ang pagbabawas sa excise tax at VAT sa mga imported oil products ay isa sa mga mitigating measure na inirekomenda ng National Economic Development Authority o NEDA kay Pangulong Rodrigo Duterte upang mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa na dulot ng galaw sa presyuhan sa World market dahil sa nagaganap na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Vic Somintac