Pagbagsak sa mental health ng mga kabataan, ikinabahala sa Kamara
Pinapakilos ni House Deputy Speaker Camille Villar ang gobyerno para magsagawa ng assessment at kumprehensibong pag-aaral sa mental health ng mga kabataan na pinalala pa ng COVID-19 pandemic.
Sa House Resolution no. 900, isinulong ni Villar na obligahin ang mga ahensya ng gobyerno na magsagawa ng agarang intervention kasunod ng mga ulat at pag-aaral na tumataas ang bilang ng mga kabataang may sakit sa pag-iisip na humahantong sa pagpapakamatay.
Partikular na tinukoy sa resolusyon ang Department of Education (DepEd),Department of Health (DOH) at Philippine Statistics Authority (PSA).
Naaalarma si Villar sa inilabas na report ng DepEd na bumagsak ang mental health ng mga kabataan sa pagitan ng taong 2021 at 2022 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic at pagpapatupad ng hard lockdown ng pamahalaan.
Sa record, 400 mula sa 28 milyong populasyon ng mga kabataang mag-aaral ang naitalang kaso ng suicide sa hanay ng mga estudyante, nasa 775,962 naman ang humingi ng tulong sa mga guidance counselor kung saan 8,000 sa mga ito ay kinasasangkutan ng bullying.
Binigyang-diin ng mambabatas ang halaga na mapatatag ng gobyerno ang mental health services sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa mga health facilities ng gobyerno, lalo na sa mahihirap.
Isinusulong ni Villar ang pagtatalaga ng guidance counselor hindi lang sa bawat paaralan kundi maging sa bawat barangay.
Vic Somintac