Pagbasura ng Makati RTC Branch 150 sa mosyon ni Senador Trillanes na bawiin ang arrest warrant ng korte ikinatuwa ng Malacañang
Nirerespeto ng Malakanyang ang naging pasiya ng korte kaugnay ng ginawang pagbasura nito sa mosyon na inihain ni Senador Antonio Trillanes na humiling na ipawalang bisa ang mandamyento de aresto sa kanya kasunod ng pagbawi ni Pangulong Duterte sa amnestiya na ipinagkaluob ng nagdaang administrasyon.
Sa statement na inilabas ni Presidential spokesman Salvador Panelo inihayag nitong nagsisimula ng habulin ng batas ang senador para pagdusahan ang kanyang kasalanan.
Sinabi ni Panelo na walang ibang lumikha ng kanyang sariling hukay kundi si Trillanes mismo na bunga ng pagiging walang utang na luob nito sa gobyernong nagpa-aral sa kanya gamit ang pera ng taong bayan.
Ayon kay Panelo ang nangyayari ngayon kay Trillanes ay dapat magdulot ng takot sa iba pa na matapos bigyan ng edukasyon ng pamahalaan ay siya pang maghahasik ng paglaban sa gobyerno ganundin sa mga indibidwal na ginagamit ang kanilang kapangyarihang pulitikal upang humikayat sa publiko na lumaban sa mga pamahalaan.
Batay sa naging desisyon ni Judge Elmo Alameda ng Makati RTC 150 nabigo si Trillanes na makapagpakita ng testimonial o documentary evidence na siya’y nakapag sumite ng kanyang amnesty application o nagkaruon man lang ng pag-amin na siya’y guilty sa kanyang ginawang pagiging promotor nuong 20027 Manila Penensula siege.
Ulat ni Vic Somintac