Pagbasura ng senado sa 75 bilyong pesos na additional budget ng DPWH sa 2019 national budget ok lang sa Malakanyang
Hindi na tinutulan ng Malakanyang ang desisyon ng Senado na alisin na lamang sa 2019 proposed national budget ang umanoy inserted additional budget ng Department of Public Works and Highways o DPWH na nagkakahalaga ng 75 bilyong pesos.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang magagawa ang Malakanyang sa desisyon ng kongreso sa national budget.
Ayon kay Panelo kung sakaling kapusin ng pondo ang mga infrastructure projects sa ilalim ng build build build program ng administrasyon maaari namang humirit ng supplemental budget ang Malakanyang sa kongreso.
Magugunitang ang isyu sa 75 bilyong pesos na isiningit sa pondo ng DPWH ang pinag-initan ni House Majority Leader Nonoy Andaya kaya naantala ang pagpapatibay ng 2019 proposed national budget.
Ulat ni Vic Somintac