Pagbasura sa kontra-salaysay ni Alice Guo sa reklamong human trafficking, hiniling ng PAOCC sa DOJ
Naghain ng oposisyon ang Presidential Anti- Organized Crime Commission (PAOCC) sa Department of Justice (DOJ), laban sa kontra-salaysay na isinumite ng kampo ni dating Mayor Alice Guo.
Courtesy PAOCC
Sa komento at oposisyon ng PAOCC, hiniling nito sa DOJ na huwag tanggapin ang mosyon ni Guo na buksan muli ang pagdinig at ang counter-affidavit ng dating alkalde para sa reklamong human trafficking.
Ang kontra-salaysay ay sinasabing ipina-notaryo ni Guo noong August 14 sa isang abogado sa Bulacan.
Pero duda ang PAOCC na personal na pinanumpaan ni Guo ang kaniyang counter-affidavit sa notaryo, dahil nakaalis na ito ng bansa noon pang July 18.
Ayon pa sa PAOCC, hindi rin humarap nang personal si Guo sa DOJ para panumpaan ang kaniyang depensa, at lagpas na ito sa itinakdang deadline ng pagsusumite.
Moira encina-cruz