Pagbatikos ng PRRD sa imbestigasyon ng Senado sa mga biniling medical supplies ng gobyerno, tinawag ng mga Senador na harassment
Tinawag ng mga Senador na harassment ang panibagong banat ng Pangulo sa mga Senador na nag-iimbestiga sa mga biniling medical supplies ng gobyerno para sa COVID response.
Pumalag rin si Senador Richard Gordon sa banta ng Pangulo laban sa Philippine Red Cross na isang humanitarian institution.
Ayon kay Gordon , magpapatuloy ang pagdinig ng Senado sa kabila ng mga pagbabanta at pananakot ng pangulo.
Bwelta ni Gordon , hindi dapat isisi sa Senado ang pagtaas ng COVID cases dahil hindi nanggugulo ang Senado at ginagawa lang ang kanilang trabaho.
Paalala naman ni Senate president Vicente Sotto , may mandato ang Senado na alamin paano ginagastos ang public funds.
Si Senador Leila de lima , naghain nang resolusyon para hilingin kay Pangulong Duterte na magpakita ng kortesiya at tigilan na ang pambabastos sa Senado sa kaniyang Senate resolution no. 898.
Sinabi ni De lima na bilang pinakamataas na lider ng bansa , dapat nagpapakita ang pangulo ng magandang ehemplo sa pamamagitan ng pagrespeto sa democratic process at co equal institution.
Nanganganba ang Senador na ang anumang pagtatangka ng Pangulo na i-discredit ang democratic process ay maaring magdulot ng constitutional crisis
Maaring magresulta rin aniya ito ng kawalan ng tiwala at kumpiyansa ng publiko sa mga democratic institutions gaya ng Senado.
Paalala ng mambabatas , trabaho ng Senado na alamin at imbestigahan kung saan napunta at tama ba ang ginawang paggastos sa pondo ng taumbayan.
Meanne Corvera