Pagbawi sa dalawang nominasyon ni Drake, inaprubahan na ng Grammy
Hiniling ng Canadian rap superstar na si Drake, na bawiin ang dalawa niyang Grammy nominations ngayong taon na pinagbigyan naman ng Recording Academy.
Si Drake ay nominado para sa dalawang rap awards sa Grammys na gaganapin sa susunod na taon, ngunit ang mega-hit album niyang “Certified Lover Boy” ay hindi isinama sa general field categories noong isang buwan, na sanhi ng maraming beses nang sigalot sa pagitan niya at ng akademya.
Kasalukuyan ding nahaharap ang singer sa multiple lawsuits kaugnay ng isang rap concert sa Texas nitong nakalipas na buwan, kung saan sampung fans ang namatay dahil sa biglang pagragasa ng mga manonood sa concert.
Walang paliwanag na ibinigay ang mga kinatawan ni Drake para sa kahilingan nito, at ayon sa isang source na malapit sa singer, ang desisyon ay ginawa ni Drake at ng kaniyang management na pinagbigyan naman ng Grammys.
Sinabi ng isang Recording Academy source na pamilyar sa request ni Drake, na inalis na ang nominasyon nito mula sa opisyal na website ng Grammys halos sabay ng pagsisimula ng final-round ballot voting.
Isa sa top-selling at pinaka-maimpluwensiyang musician sa buong mundo, si Drake ay nanalo na ng apat na Grammys.
Sa isang panayam noong 2017 ay inakusahan niya ang Grammys ng “pigeonholing” dahil siya ay isang “black artist.”
Ayon kay Drake . . . “The only category that they can manage to fit me in is in a rap category, maybe because I’ve rapped in the past or because I’m Black.”
Sa 2019 Grammys, ay muling ipinakita ni Drake ang kaniyang pagkadismaya dahil ang Black hip-hop artists ay hindi laging nabibigyan ng pagkilala.
Aniya . . . “We play in an opinion-based sport, not a factual-based sport. This is a business where sometimes it is up to a bunch of people that might not understand what a mixed-race kid from Canada has to say.”
Binatikos din ng iba pang black artists na kinabibilangan ng The Weeknd, Frank Ocean at Jay-Z ang Grammys sa pagsasabing wala itong kuwenta, at partikular na tinukoy ang kabiguan nitong kilalanin ang Black artists.
Ang 64th Grammy Awards ceremony ay gaganapin sa Los Angeles sa Enero 31, 2022. (AFP)