Pagbawi sa mga teritoryong inagaw ng China sa West Philippine Sea magiging madugo – PRRD
Naglabas na ng posisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa kanyang weekly talk to the people sinabi ng Pangulo na sa pamamagitan lamang ng puwersa mababawi ng Pilipinas ang mga inagaw ng China na mga teritoryo sa West Philippine Sea na lumala noong panahon ng panunungkulan ni Dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon sa Pangulo kung dadaanin sa puwersa ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China at makikialam ang Amerika tiyak na magkakaroon ng madugong digmaan.
Inihayag ng Pangulo hindi basta maasahan ng Pilipinas ang Mutual Defense Treaty sa Amerika dahil tutulungan lamang tayo kung nagkaroon ng pag-atake sa bansa ang dayuhang puwersa subalit kung tayo ang magpapasimula ng gulo ay hindi magagamit ang nabanggit na tratado.
Idinagdag ng Pangulo maging ang United Nations ay hindi kayang paalisin ang China sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Niliwanag ng Pangulo sa ngayon ay hindi niya maaring isubo sa giyera ang bansa dahil hindi natin kakayanin ang makipagdigma sa ibang bansa lalo na sa China.
Iginiit ng Pangulo batay sa pinasok niyang kasunduan kay Chinese President Xi Jinping dadaanin sa diplomatikong proseso ang pagresolba sa sigalot sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Vic Somintac