Pagbawi sa price cap sa bigas inirekomenda ng DA, DTI
Kapwa inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-a-alis ng ipinaiiral na price ceiling sa bigas.
Sinabi ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Glenn Panganiban na ginawa ng DA at DTI ang rekomendasyon matapos makita ang pagtatag sa supply ng bigas kasabay ng umaayos na ring presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.
Sinabi ni Panganiban na mukhang handa na para alisin ang umiiral na price cap ngunit nasa pagpapasya pa rin aniya ni Pangulong Marcos kung aalisin ito
“From our parameters naman ay mukhang ready na. But of course, it’s all upon the President to decide on it,” pahayag ni Panganiban sa Malacañang briefing.
Sinabi ng Palasyo na tinalakay ni Pangulong Marcos sa isinagawang sectoral meeting sa DA, DTI, at National Economic and Development Authority (NEDA) ang posibleng pagbawi sa Executive Order (EO) no. 39 na nagpataw ng price cap sa bigas.
Suportado din ng NEDA ang mungkahi at nagrekomenda ng ilang interventions bilang susog sa hakbang, kabilang ang logistics support sa rice traders, financial aid sa mga magsasaka at unconditional rice price subsidies sa mahihirap na consumers.
Sa ilalim ng EO 39, itinakda sa ₱41 per kilo ang presyo ng regular milled rice habang ₱45 per kilo naman ang well-milled rice.
Ipinataw ng Pangulo ang price cap sa harap ng sumisirit na presyo ng bigas, na sinabi niyang kagagawan ng hoarding at smuggling.
Itinakda naman sa kautusan na magiging epektibo ang price cap hanggang sa alisin ng Pangulo ang kautusan sa rekomendasyon na rin ng Price Coordinating Council na binubuo ng DA at DTI.
Weng dela Fuente