Pagbebenta ng mga second-hand na cellphone, ipagbabawal na sa Maynila
Ipagbabawal na sa lungsod ng Maynila ang pagbebenta ng mga second hand na cellphone.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, kinausap na niya ang konseho ng lungsod para magpasa ng isang ordinansa hinggil rito.
Giit ni Moreno kahit na anong gawin nila ay hindi mauubos ang mga snatcher ng cellphone kung meron pa rin silang pwedeng mapagbentahan ng kanilang mga ninakaw.
Ang hakbang ng alkalde ay kasunod ng natanggap na sumbong na isang estudyante sa Maynila ang nanakawan ng cellphone at nang i-track ng nasabing estudyante ang kanyang cellphone, natagpuan ito sa isang tindahan sa Isettan sa Recto.
Matatandaang na una ng nagbabala si Moreno noon sa mga mall sa Maynila na ipapasara nya kung hindi matitigil ang bentahan ng nakaw na cellphone sa loob ng mall kasama sa mga binalaan ng alkalde noon ay ang Isetann mall sa Recto.
Napag-alaman kasi ng alkalde na ilang tindahan sa loob ng mall ang tumatanggap ng mga nakaw na cellphone.
Kasabay nito sinabi ni Moreno na nagsasagawa na sila ng operasyon laban sa mga tindahan nagbebenta ng mga cellphone na GSM o galing sa magnanakaw.
Ulat ni Madz Moratillo