Pagbibigay ng 2nd booster sa vulnerable sectors, sisimulan na
Ilalarga na ng pamahalaan sa susunod na linggo ang pagbibigay ng ikalawang booster shot sa ‘vulnerable sectors.’
Sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, na wala nang gagawing ‘pilot testing’ sa halip ay agad na itong ipatutupad sa buong bansa na ang target ay senior citizens, immunocompromised, o yaong may problema sa kalusugan, at health workers.
Ayon kay Cabotaje na siya ring chairperson ng National Vaccination Operations Center (NVOC) . . . “No more NCR phase 1. We would like to roll it out nationwide immediately on Monday after we have discussed the guidelines with our implementors.”
May rekomendasyon na rin aniya ng ‘interval period’ na tatlo hanggang apat na buwan sa una at ikalawang booster shot.
Sinang-ayunan din ni Cabotaje ang rekomendasyon ng ‘vaccine expert panel’ na gumamit ng ibang brand ng bakuna sa ikalawang booster shot, upang maging mas mabisa ito laban sa COVID-19.
Tinitingnan naman aniya ng pamahalaan na gawing isang beses bawat taon ang pagbibigay ng booster shot, sakaling ang COVID-19 ay maging katulad na lamang ng trangkaso.