Pagbibigay ng allowance sa mahihirap na estudyante, isinusulong sa Senado
Pinatitiyak ni Senador Sonny Angara na makikinabang ang mga mag-aaral mula sa pinakamahihirap na pamilya sa ibinibigay na subsidy ng gobyerno sa edukasyon.
Ayon kay Angara kahit naipasa na ang free college law, hindi ito sapat para tulungang makapag aral ang mga mahihirap na estudyante.
Nakasaad sa Free College Law, hindi lamang nakalaan sa libreng matrikula kundi maging sa lahat ng gastusin sa paaralan.
Bahagi kasi aniya ng probisyon ng batas ang pagkakaroon ng Tertiary Education Subsidy kung saan itinatakda ang pagkakaloob ng allowances sa libro, mga kagamitan sa paaralan, pamasahe, tirahan, personal computer o laptop, at iba pang gastusin na may kinalaman sa pag-aaral ng isang estudyante.
Sakop din ng subsidiya ang mga mahihirap na mag-aaral na naka-enroll sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.
Katwiran ni Angara maliit na bahagi lamang ng pag-aaral ang tuition fee.
Senador Angara:
“Ang tuition ay maliit na bahagi lamang ng kabuuang cost of college education. Dapat ay sagutin din ng gobyerno ang iba pang gastusin sa pag-aaral upang higit na matulungan ang ating mahihirap na estudyante na makapagtapos ng kolehiyo”.
Sa ngayon nakapending pa sa Senado ang panukalang batas na naglalayong pagkalooban ng 20% student fare discount ang mga mag-aaral, gayundin ang pagbibigay ng five-percent student discount sa pagkain, gamot, miscellaneous at iba pang school fees, tulad ng libro, at school supplies sa mga kapus-palas na mag-aaral sa buong bansa, sa anumang antas ng edukasyon.
Ulat ni Meanne Corvera