Pagbibigay ng bakuna kontra COVID-19 sa 3-4 anyos, hiniling ng Kamara na ikonsidera ng pamahalaan
Hiniling ni Congressman Lorenz Defensor sa National Government at Department of Health (DOH) na pag-aralan at payagan ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang ang edad ay 3 hanggang 4 taong gulang.
Dahil dito inihain ni Congressman Defensor ang House Resolution 263 na naglalayong himukin ang gobyerno na bakunahan na ang mga batang may murang edad upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa banta ng pandemya ng COVID-19.
Ipinaliwanag ni Defensor na ang naturang age group ay kabilang sa most vulnerable sa banta ng corona virus dahil tumataas na naman ang mga bagong kaso ng COVID-19 dulot ng mga bagong subvariant.
Noong Pebrero ngayong taon ay inilunsad ng DOH ang “Resbakuna Kids Campaign” para sa mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang gayunman, hindi pa eligible o hindi kasama ang mga batang mababa sa edad na 5 taong gulang.
Ayon kay Defensor noong June 2022 ang Food and Drug Administration o FDA ng Amerika ay nag-isyu ng Emergency Use Authorization o EUA sa anti COVID 19 vaccine na gawa ng Moderna at Pfize para sa mga edad 6 na buwan hanggang 17 taong gulang.
Inihayag ni Defensor bagama’t hindi mataas ang bilang ng mga nagkaka COVID sa edad 3 hanggang mababa sa 5 taong gulang kumpara sa adult population sa ating bansa iginiit ng kongresista na hindi dapat isantabi ang peligro sa kalusugan ng mga pediatric population lalo na kung magiging maluwag na sa pagsunod sa health protocols sa buong bansa.
Vic Somintac