Pagbibigay ng Safety Seal certification sa mga establisimyento, dumadaan sa mahigpit na screening – Malakanyang
Umakyat na sa 45,649 ang bilang ng mga establisimyento sa buong bansa ang nabigyan ng Safety Seal Certification o katibayan na nakasunod ang mga ito sa guidelines na itinakda ang pamahalaan laban sa paglaganap ng pandemya ng COVID-19.
Sa Laging Handa media briefing, sinabi ni Department of Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya na ang bilang ng mga nabigyan ng Safety Seal Certification ay mula sa mahigit 86,000 na establisimyento na nagsumite ng aplikasyon.
Ayon kay Malaya sa Metro Manila nasa mahigit 12,000 ang nakatanggap na ng Safety Seal Certification para makapag-operate ngayong nasa Alert Level 3 na ang National Capital Region.
Nilinaw ni Malaya na hindi lahat ng nag-aplay para sa Safety Seal Certification ay otomatikong maaaprubahan.
Inihayag ni Malaya nasa mahigit 9,000 establisimyento ang bigong makakuha ng Safety Seal Certification dahil hindi pumasa sa pamantayan na itinakda ng pamahalaan.
Vic Somintac