Chinese Foreign Ministry: Pagbisita sa Taiwan ni Pelosi, paglabag sa one- China policy
Mariing kinondena ng Ministry of Foreign Affairs ng China ang pagbisita ni U.S. House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan.
Sa statement ng Chinese Foreign Ministry, sinabi na seryosong paglabag sa One China policy at mga probisyon ng tatlong China-U.S. joint communiqués ang Taiwan trip ng delegasyon ni Pelosi.
Ayon pa sa Ministry of Foreign Affairs, ang ginawa ni Pelosi ay may malubhang epekto sa ugnayan ng China at U.S. at seryosong paglabag sa soberenya at territorial integrity ng China.
Iginiit ng foreign ministry na may isa lang na Tsina sa mundo at ang Taiwan ay bahagi ng teritoryo ng China.
Ang Government of the People’s Republic of China anila ang tanging legal government na kumakatawan sa buong China na kinikilala ng United Nations General Assembly Resolution 2758 ng 1971.
Ayon pa sa China, noong 1979 may malinaw na commitment ang U.S. na kinikilala nito ang pamahalaan ng People’s Republic of China bilang sole legal government ng China.
Ang Kongreso anila bilang parte ng gobyerno ng U.S. ay obligado na sundin ang One- China policy ng U.S. Government at umiwas sa anumang opisyal na ugnayan sa Taiwan.
Moira Encina