Pagbiyahe ng mga naka-kumpleto na ng bakuna, niluwagan ng IATF
Mas maluwag nang makabibiyahe ang mga naka-kumpleto na ng bakuna laban sa COVID-19 sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ at MGCQ areas.
Ito’y matapos ipalabas ng Inter Agency Task Force ang IATF Resolution 124-B kung saan ay pinapayagan na ang intrazonal travel sa pagitan ng GCQ at MGCQ areas kahit ng mga senior citizen basta naka-kumpleto na ng bakuna.
Batay sa resolusyon, hindi na kailangan ng RT-PCR test para sa fully vaccinated individuals. Kailangan lamang ipakita ang official COVID-19 Vaccination Card na 2 weeks na ang lumipas matapos ang 2nd dose.
Pinaikli na rin sa 7 days ang quarantine period para sa fully vaccinated na naging close contact ng probable o confirmed COVID-19 cases basta’t walang sintomas.
Sakaling kailanganin ang RT-PCR test, gagawin lamang ito makalipas ang 5 araw mula nang ma-expose sa virus.
Kung lagpas na sa 7 days at nananatiling walang sintomas, hindi na kailangan ang testing.
Sakaling magpositibo sa RT-PCR test at magpakita ng sintomas ang taong fully vaccinated, susundin naman ang itinakdang protocols ng DOH.