Pagbuhay sa Death Penalty Bill, uminit muli sa Kamara dahil sa nangyaring San Jose del Monte Bulacan masaker
Mas masidhi ngayon ang panawagan ni Bulacan Cong. Rida Robes na muling buhayin ang death penalty kasunod ng nangyaring masaker sa Jose del Monte Bulacan na ikinasawi ng lima kabilang ang tatlong bata.
Ayon kay Robes, kailangang kumilos ng estado laban sa mga ganitong uri ng karumal dumal na krimen.
Naniniwala ang Kongresista na kung may death penalty ay mababawasan ang takot ng milyon milyong Pilipino.
Paliwanag ni Robes, hindi makatao ang maraming beses na pananaksak ng suspek na si Carmelino Ibañez sa mga biktima lalo na sa mga bata, at hinalay pa ang dalawang babae sa pamilya.
Nagpahayag rin ng suporta ang Kongresista sa pinaigting na kampanya ng Duterte administration kontra droga na ugat aniya ng mga ganitong uri ng karumal dumal na krimen.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo