Pagbuo ng “Bangon Marawi” fund, isinusulong sa Senado
Isinusulong ni Senador Sonny Angara ang pagbuo ng ” Bangon Marawi” fund para sa konstruksyon at pagbabalik sa kabuhayan sa mga residente ng Marawi.
Ayon kay Angara, maaring makuha ang pondo para sa “Bangon Marawi” fund mula sa nakalaang ₱21.8B Calamity Fund ngayong 2017.
Bukod dito sinabi rin ng Chairman ng Senate Committee on Ways and Means na mayroon din ₱6B Quick Reaction Fund sa anim na government agencies na ang mandato ay agarang tulong sa mga biktima ng sakuna na pwedeng gamitin sa mga napinsala sa bakbakan sa Marawi City.
Pero paalala ni Angara, ang mga itatayong pabahay, tulay at mga nasirang kalsada ay dapat ligtas at matibay.
Hindi rin aniya dapat haluan ng pulitika at katiwalian ang anumang proyekto para hindi matulad sa nangyaring rehabilitasyon sa Yolanda.
Ulat ni: Mean Corvera