Pagbuo ng Congressional Oversight Committee on Education para tumutok sa estado ng edukasyon sa bansa, tinatalakay sa Senado
Tintalakay na ng Senado ang resolusyon para sa panukalang pagbuo ng Congressional Oversight Committee on Education na siyang magsasagawa ng assessment sa tunay na estado ng edukasyon sa bansa.
Sa harap ito ng pag-aaral ng World Bank na mahigit 80 porsyento ng mga mag-aaral sa bansa ang hindi natututo ayon sa kanilang antas bukod pa sa mababang disiplina sa mga classroom kaya nangyayari ang mga kaso ng bullying.
Aminado si Senador Sherwin Gatchalian na may nangyayaring krisis sa sektor ng edukasyon na lumala pa dahil sa epekto ng Pandemya.
Iginiit ng Senador na kailangan ang reporma sa sektor ng edukasyon kabilang na ang catch-up plan o mga remedial program para tulungan ang mga mag-aaral na makahabol sa epekto ng isang taong pagsasara ng eskuwelahan.
Sa isang mensahe, iginiit naman ni Senador Leila de Lima na dapat nang tigilan ng gobyerno ang pagbubulag-bulagan sa halip ay gawing barometro ang pag-aaral ng World Bank.
Malinaw naman aniya na kalunos-lunos talaga ang estado ng edukasyon lalo na sa mga pampublikong eskuwelahan pero sa halip na tanggapin ng Deped, hiningan pa ng apology ang World Bank.
Meanne Corvera