Pagbuo ng Siargao Rehabilitation Commission inirekomenda
Nanawagan si Senador Francis “Tol” Tolentino kay Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng Siargao Tourism Rehabilitation Commission na tututok sa rehabilitasyon ng Siargao Island matapos itong salantahin ng bagyong Odette.
Ayon sa Senador, may kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na gawin ito alinsunod sa Administrative Code of the Philippines.
Sa isinumiteng Senate Resolution No. 966, sinabi ni Tolentino na ang bubuuing Commission ang siyang tututok bilang central coordinating body para sa lahat ng ahensya ng gobyerno at non-government organization na tutulong sa rehabilitasyon at recovery programs para sa Siargao Island at iba pang komunidad na lubhang naapektuhan ng bagyong Odette.
Sa pagtataya ng mga lokal na opisyal ng Surigao del Norte, aabot sa P20 bilyon ang pinsalang dulot ng bagyo sa Siargao, hindi pa kasama sa bilang na iyan ang kabuuang pinsalang dulot ng super tyhoon sa buong probinsya dahil pahirapan pa rin ang signal ng telepono, internet, at kuryente sa lugar.
Giit ng Senador malaki ang ambag ng Siargao sa sektor ng turismo dahil isa ito sa mga islang dinarayo ng mga turista.
Sa ilalim ng isinumiteng resolusyon ni Tolentino, ang komisyon ay bubuuhin ng kalihim ng Department of Tourism; Chief Operating Officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA); chairperson ng Regional Development Council para sa Caraga Region; urban planner mula sa pribadong sektor; at kinatawan mula sa Philippine Hotel Owners Association, Inc.
Meanne Corvera