Pagbuwag sa PITC at PS-DBM, pag-aaralan ng Department of Finance
Pag aaralan ng Department of Finance (DOF) ang pagbuwag sa dalawang ahensya ng gobyerno na dawit sa procurement ng medical supplies.
Sa budget hearing sa panukalang pondo ng DOF, sinabi ni Secretary Carlos Dominguez, bubusisiin nila ang rekomendasyon ng mga Senador na buwagin na ang Procurement Service na nasa ilalim ng Department of Budget and Management (DBM) at Philippine International Trading Corporation (PITC).
May inihain nang panukala si Senador Imee Marcos para buwagin ang naturang mga tanggapan.
Iginiit ni Marcos na hindi naman nasusunod ang mandato ng dalawang ahensya at nagagamit pa aniya ito sa sistematikong korapsyon.
Bahagi ng mandato ng PITC ang export at import trading ng bago at non-traditional products para sa mga ahensya ng gobyerno pero sabi ni Marcos, nagagamit ito para itago ang pera ng mga ahensya ng gobyerno habang ang PS-DBM ang para sa wholesale items.
Nangako si Dominguez na pag-aaralan ang rekomendasyon ng Senado.
Isa si Dominguez sa miyembro ng board ng Government Owned and Controlled Corporation (GOCC).
Meanne Corvera