Pagdami ng Community pantry pagbuhay sa Bayanihan-ayon sa mga Senador
Likas sa mga Filipino ang pagmamalasakit at pagtulong sa kapwa….
Ito ang pahayag ng mga Senador sa pagsusulputan ng mga Community pantry sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Ayon kay Senador Ralph Recto, tanda lang ito na buhay ang diwa ng Bayanihan.
Malaking tulong aniya ito para matulungan ang mga pamilyang nagugutom dahil sa mabagal na pamamahagi ng tulong ng Gobyerno.
Para kay Senador Francis Pangilinan, walang puwersa na hihigit pa sa nagkakaisa at sama-samang pagkilos at pagdadamayan ng publiko.
Sa pagsubok aniya na kinakaharap dulot ng Pandemya, kumukuha tayo ng lakas at tapang mula sa isat-isa at labanan ang matinding gutom.
Pero para kay Senador Panfilo Lacson, desperado na ang mamamayan dulot ng kawalan ng tulong mula sa pamahalaan.
Bagamat isang magandang gawain at ehemplo ng pagtutulungan at pagkakaisa ng mamamayan ang Community pantry, sa kabilang banda ay makikita rin ang desperasyon ng mga tao dahil hindi na nila maasahan sa tulong ang pamahalaan.
Meanne Corvera