Pagdami ng mga naghihirap na pamilyang Pilipino isinisi ng Malakanyang sa pandemya ng COVID-19
Nananatiling mataas ang bilang ng mga pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay naghihirap mula noong matapos ang taong 2021 hanggang sa pagpasok ng second quarter ng taong kasalukuyan.
Ito ang lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS kaugnay ng self rated poverty rating na isinagawa noong April 19 hanggang 27 na nilahukan ng 1,400 adult respondents at mayroong plus minus 26 percent na margin of error.
Batay sa binabanggit na survey nananatiling nasa 43 percent ang pamilyang pinoy ang nagsasabing sila ay mahirap na kapareho ng resulta noong December 2021 self rated poverty survey.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar na maganda na sana ang takbo ng ekonomiya ng bansa kung hindi lang tumama ang pandemya ng COVID-19.
Ayon kay Andanar,pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na iaangat ang uri ng pamumuhay ng bawat Pilipino noong umupo siya sa Malakanyang noong 2016 at napatunayan naman ito dahil nasa 16.7 percent na ang poverty incidence sa bansa noong 2018 mula sa dating 23.3 percent noong 2015 sa ilalim ng Noynoy Aquino administration.
Inihayag ni Andanar sinikap ng Duterte administration na ibsan ang epekto ng pandemya ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa kaya niluwagan na ang mga restrictions at inilagay na sa Alert level 1 ang maraming lugar sa bansa habang kinokontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng mass vaccination program at pagpapatupad ng minimum health standard protocol.
Vic Somintac