Pagdedeklara ng Martial Law sa Jolo, Sulu hindi na kailangan – ayon sa mga Senador
Hindi na kailangang muling magdeklara ng Martial Law sa Mindanao matapos ang dalawang magkasunod na pambobomba sa Jolo, Sulu.
Ito ang iginiit ng mga Senador sa ilang panukalang muling ibalik ang batas militar doon matapos ang mga kaso ng pagsabog.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, batas na ang Anti-Terrorism Act at sapat na ito para tugisin ang mga terorista.
Ang patuloy aniyang karanasan sa Mindanao ang dahilan kaya ipinasa ang batas.
Iginiit naman ni Senador Panfilo Lacson na kailangan lamang ngayon ay ipatupad ang batas na napending dahil hindi pa inilalabas ang Implementing Rules and Regulations.
Malinaw aniya sa batas na sinumang nagpa-plano at mga kasabwat ng mga terorista ay maaring maparusahan.
Sinisisi naman ni Senador Richard Gordon ang mga humaharang sa implementasyon ng batas kaya nakapaghahasik ng karahasan ang mga terorista.
Ayon sa Senador, may sapat na safeguards ang batas para protektahan ang anumang kaso ng mga pang-aabuso.
Ulat ni Meanne Corvera