Pagdedeklara ng ” New Normal ” sa ilang lugar sa bansa, tinatalakay na ng IATF
Pinag-aaralan na ng Inter Agency Task Force (IATF) kung kailangan nang alisin ang ipinatutupad na Quarantine classification sa ilang lugar sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na ibinabatay ng IATF sa analytical data ang pagpapatupad ng Quarantine classification batay sa pagdami ng kaso ng COVID-19 sa isang lugar.
Ayon kay Roque mayroon nang mga lugar sa bansa na wala nang naitatalang kaso o maliit na lamang ang kaso ng COVID-19 kaya maaari nang magpatupad ng ” new normal ” basta sundin lamang ang standard health protocol na Mask, Hugas, Iwas.
Inihayag ni Roque, binabalangkas na ng IATF ang guidelines para sa pagpapatupad ng New normal sa ilang lugar na irerekomenda kay Pangulong Duterte para pagtibayin.
Batay sa record, ang Pilipinas ang may pinakamatagal na nagpapatupad ng Quarantine protocol.
Sa ngayon mayroong dalawang Quarantine protocol na ipinatutupad pa rin sa ibat-ibang panig ng bansa at ito ay ang General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Vic Somintac