Pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability bukas, ipinagpaliban
Nagdesisyon ang House Committee on Good Government and Public Accountability na huwag munang ituloy ang imbestigasyon ng komite bukas para bigyang daan ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation o NBI kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Congressman Joel Chua Chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability na napagdesisyunan ng mga miyembro ng komite na unahin muna ang imbestigasyon ng NBI dahil ito ay may kinalaman sa National security .
Ito ay dahil sa ginawang pagbabanta ni VP Sara sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at first lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Inihayag naman ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega na hindi na maaaring gawing excuse ni VP Sara ang House Committee hearing para hindi siputin ang imbestigasyon ng NBI dahil nagpaubaya na ang Kamara.
Vic Somintac