Pagdinig ng mga korte sa mosyon ng piskalya na ibasura ang mga kaso laban sa apat na wanted na Japanese, itinakda sa Huwebes at Biyernes
Didinggin na ng mga korte ang mosyon na inihain ng National Prosecution Service (NPS) ng DOJ na mabasura na ang mga kaso laban sa mga wanted na Hapon sa Japan.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na itinakda ang pagdinig sa Huwebes at Biyernes.
Dalawa ang nakatakdang pagdinig sa Huwebes at isa sa Biyernes.
Tumanggi ang opisyal na tukuyin kung anu-anong korte sa mga lungsod ng Pasay at Taguig nakabinbin ang kaso sa tatlo sa apat na Japanese fugitives.
Dismissed na ang kaso laban sa isa sa apat kaya puwedeng na itong maipadeport.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na posibleng imbento lang ang kaso laban sa mga nasabing Hapon upang hindi sila maipatapon pabalik ng kanilang bansa.
Ayon kay Clavano, umaasa ang DOJ na mareresolba agad ng mga korte ang mosyon at pagtibayin ang dismissal sa mga kaso ng mga pugante sa lalong madaling panahon.
Aniya, walang kasiguraduhan kung maisasagawa ang deportasyon bago ang official visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan sa Pebrero 8 dahil kailangan munang maresolba o mabasura ang mga kaso laban sa mga ito sa Pilipinas.
Inihayag naman ni Remulla na susubukan nilang maipadeport nang sabay-sabay ang apat na pugante dahil ito ang nais ng Japanese government.
Moira Encina