Pagdinig ng Senado sa PNP-PDEA misencounter, ipinagpaliban
Muling ipinagpaliban ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang nakatakdang pagdinig ngayong araw sa madugong engkuwentro sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth, Quezon City.
Sa ipinadalang notice ng tanggapan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, sinabing hindi makadadalo kasi sa pagdinig sina PNP Chief General Debold Sinas at PDEA Director General Wilkins Villanueva na kapwa nagpositibo sa Covid-19 at naka-quarantine.
Iginiit ni Dela Rosa na mahalaga ang presensya nina Sinas at Villanueva para ipaliwanag kung bakit humantong sa madugong bakbakan ang anti-drug operations.
Maliban dito, expose rin kina Sinas at Villanueva ang iba pang resource person na ipinatawag ng Senado.
Ito na ang ikalawang beses na ipinagpaliban ang nakatakdang imbestigasyon dahil naman sa pakiusap ng Malakanyang para hindi maapektuhan ang pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) na siyang naatasang mag-imbestiga sa usapin.
Meanne Corvera