Pagdinig sa investment anomaly na kinasasangkutan ng MFT Group at Foundry Ventures, sinimulan na ng DOJ panel of prosecutors
Umarangkada na ang unang pagdinig ng DOJ panel of prosecutors sa reklamong isinampa ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Maria Francesca Tan (MFT) Group of Companies Inc., at Foundry Ventures I Inc. dahil sa pagkakasangkot sa sinasabing illegal investment scheme.
Bigo ang mga respondent sa reklamo na makapag-sumite ng kontra-salaysay.
Hindi rin sumipot sa pagdinig ang karamihan sa mga inireklamo kabilang na ang negosyanteng si Maria Francesca Tan, kung saan ang mga abogado lang ang dumalo.
Hiniling ng kampo ni Tan at iba pang respondent sa DOJ na suspendihin ang pagdinig, dahil may kasong nakabinbin sa Court of Appeals sa parehong isyu.
Binigyan naman ng piskalya ang mga respondent ng hanggang sa June 3 na susunod na petsa ng pagdinig, para maghain ng counter-affidavit o anumang mosyon ng mga ito.
Sa reklamo ng SEC, sinabi na ang MFT ay nag-alok ng 12% hanggang 18% na balik ng puhunan sa pamamagitan ng pag-iisyu ng postdated checks.
Ayon sa SEC, walang kaukulang dokumentasyon at rehistrasyon mula sa komisyon ang mga ibinigay na promisory note o borrower-lender agreement sa investors.
Moira Encina