Pagdinig sa kasong plunder ni dating Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng PDAF scam, tuloy
Tuloy ang paglilitis sa kasong plunder laban kina dating senador Jinggoy Estrada at Janet Napoles kaugnay ng Pork barrel scam.
Ito’y matapos ibasura ng Sandiganbayan 5th Division ang inihaing Demurrer to Evidence ng dalawa.
Kumbisido ang anti-graft court na sapat ang mga ebidensya na nai-prisinta ng prosekusyon para ma-establish ang kasong plunder laban sa mga akusado.
Partikular na tinukoy sa resolusyon ang kasunduan nina Napoles at Estrada na idaan ang PDAF allocation nito sa NGOs na Magsasaka Foundation Inc (MAMPI) at Social Development Program for Farmers Foundations Inc. (SDPFFI), na may komisyong aabot sa 40 hanggang 60 percent kapalit ng kickbacks at komisyong paghahatian nila.
Ayon pa sa korte, sasapat ang mga ebidensyang ito para suportahan ang conviction sa krimen kung hindi sasagutin ng contrary evidence.
Si Estrada ay pansamantalang nakalalaya matapos maglagak ng pyansa habang nakakulong namam sa Correctional Institution for Women si Napoles matapos mahatulang guilty sa PDAF scam kung saan kapwa akusado nito si senator-elect Bong Revilla.
Ulat ni Madz Moratillo