Pagdinig sa reklamong human trafficking laban kay Cassandra Li Ong, iniurong ng DOJ sa November 18
Hindi natuloy ang pagdinig ng Department of Justice (DOJ) sa reklamong qualified human trafficking laban kay Cassandra Li Ong at mahigit 50 iba pang indibiduwal, kaugnay sa operasyon ng iligal na POGO sa Porac, Pampanga.
Si Ong ang kinatawan ng ni-raid noon ng mga awtoridad na Lucky South 99 sa Porac.
Courtesy: Senate of the Philippines
Ayon sa abogado ni Ong na si Atty. Raphael Andrada, ngayong araw dapat nila isusumite ang kontra-salaysay ng kaniyang kliyente.
Pero nagulat sila na may supplemental o karagdagang reklamo na inihain ang PNP- CIDG kaugnay sa Porac case.
Sinabi ng abogado na hindi muna nila inihain ang counter-affidavit dahil kailangan pa nilang basahin ang karagdagang reklamo.
Hindi rin aniya dumalo sa pagdinig ang mga testigo sa supplemental complaint ng CIDG, kaya nagpasya ang DOJ panel of prosecutors na ipagpaliban ang hearing sa November 18.
Sa supplemental human trafficking complaint, idinagdag na respondents ng CIDG si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Moira Encina-Cruz