Pagdura at pagsinga sa mga kalsada, mga establisimyento, at iba pang pampublikong lugar, bawal na sa San Juan City
Bawal na ang pagdura at pagsinga sa lahat ng mga kalsada, bangketa, sidewalks, palengke, malls, parke, mga pampublikong sasakyan at tanggapan, terminals, bangko, commercial establishment, sambahan, eskwelahan, ospital, loob ng mga gusali, at iba pang pampublikong lugar sa San Juan City.
Ito ay matapos ipasa ng City Council ang Anti-Spitting Ordinance of 2020 na magiging epektibo labing limang araw pagkatapos na mailathala ito sa pahayagan.
Sa ilalim ng ordinansa, mahigpit din na ipagbabawal ang pagbahing at mga katulad na akto nang hindi sinasadya pero walang suot na face mask at face shield.
Bawal na rin sa San Juan City ang iba pang marurumi at mapanganib na gawain sa kalusugan gaya ng pag-ihi, pagdumi at pagsuka sa mga pampublikong lugar
Pagmumultahin ang mga lalabag sa ordinansa.
Para sa unang paglabag ay 500 pesos; sa ikalawang paglabag ay 2000 pesos; at sa ikatlong paglabag ay 5000 pesos at pagsailalim sa health seminar ng City Health Office.
Moira Encina