Pagdura, pagsinga sa public places at pagtatapon ng patay na hayop sa mga pampubliko at bakanteng lote, bawal na sa SJDM
Mahigpit nang Ipinagbabawal ng pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan (SJDM), ang pagdura at pagsinga sa mga pampublikong lugar.
Alinsunod ito sa city ordinance no. 2020-047-09 o ang “Anti-spitting Ordinance of the City of San Jose Del Monte, Bulacan.”
Ang sino mang mahuhuling lalabag dito ay papatawan ng karampatang multa at parusa. Para sa unang paglabag, multang isang libong piso, dalawang libong piso naman para sa ikalawang paglabag at limang libong piso para sa ikatlong pag-labag at health seminar sa City Health Office, o kaya naman ay pagkakabilanggo ng di bababa sa anim na buwan o kapwa multa at kulong, base sa magiging hatol ng korte.
Samatala, ipinagbabawal na rin sa lungsod ang ang pagtatapon ng bangkay ng mga patay na hayop tulad ng aso, baboy, pusa, at daga sa mga pampubliko at bakanteng lote, kanal, ilog at iba pang daluyan ng tubig.
Batay ito sa city ordinance no. 2020-048-09. Ang paglabag sa ordinansang ito ay may karampatang multa at parusa.
Isang libong piso para sa unang paglabag, dalawang libong piso naman para sa ikalawang paglabag ,at tatlong libong piso para sa ikatlong paglabag at tatlumput anim na oras na community sevice sa barangay na nakasasakop sa kanila.
Aianna Vayne Riel