Paggamit ng Artificial Intelligence sa pagproseso ng BI sa mga pasahero sa airports, iminungkahi ng DOJ
Inirekomenda ni Justice Secretary Crispin Remulla sa Bureau of Immigration (BI), ang paggamit ng artificial intelligence (AI) sa pagproseso ng mga pasahero sa mga paliparan.
Ito ang inihayag ni Remulla matapos daluhan ang unang coordination meeting ngayong taon ng NAIA Task Force Against Trafficking kasama ang stakeholders.
Ayon kay Remulla, maaaring gumamit ng AI ang BI partikular sa profiling o vetting ng pagkakakilanlan ng mga umaalis sa bansa.
Bukod sa mapapabilis ang immigration process, ay puwede aniyang makatulong ang AI sa paglaban ng bansa sa human trafficking.
Sinabi ng kalihim na ang Pilipinas ang nangunguna pagdating sa human trafficking sa Timog- Silangang Asya.
Humingi ng pang-unawa si Remulla sa mahigpit na immigration procedures na ipinatutupad ng immigration officers sa mga paliparan, dahil ito ay upang mapigilan na mabiktima ang mga Pinoy ng trafficking na isang modern day slavery dahil prone ang mga Pinoy na maging biktima.
Aniya, parte ng kultura ng Pilipinas na ingatan ang mga mamamayan nito kahit paaalis na ang mga ito ng bansa.
Moira Encina