Paggamit ng AstraZeneca sa mga naturukan ng Sputnik V, pinag-aaralan ng IATF
Pinag-aaralan na ng Inter Agency Task Force na gumamit ng AstraZeneca bilang second dose ng bakuna sa mga naturukan ng Sputnik V.
Ito’y kung wala talagang darating na suplay ng naturang brand ng bakuna.
Sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez noong unang linggo pa ng Hulyo nila inaasahan ang mahigit dalawandaang libong suplay ng Sputnik V pero na delay dahil nagka problema ang mga manufacturer.
42 days ang sinasabing dapat na maging interval period ng una sa ikalawang dose ng bakuna pero marami sa mga naturukan ng Sputnik V ang wala pang second dose.
Bago raw magdesisyon ang IATF ikukonsulta muna ito sa mga eksperto kasama na ang Food and Drug Administration.
Inihayag naman ni Health secretary Francisco Duque maaari namang mag- antay ang mga nakapila sa second dose.
Hindi aniya dapat mabahala ang mga nakatanggap ng first dose dahil hindi naman mawawalan ng bisa ang kanilang unang bakuna.
Pero wala rin silang nakikitang panganib sa kalusugan kung magdedesisyon ang iba na magpaturok na ng AstraZeneca.
Mahalaga pa rin aniya na mabakunahan para may proteksyon laban sa nakamamatay na virus.
Meanne Corvera