Paggamit ng bayong at ecobag sa mga palengke at supermarket, muling ipinanawagan ng Ecowaste Coalition
Sa pagdiriwang ng 10th year International Plastic bag free day, patuloy na umaapila ang Ecowaste coalition sa pag-ban ng ng Single-use plastics o SUPs.
Kasama ang ilang beauty queens at mga aktibista, nagtungo ang Ecowaste sa Farmers market sa Quezon City para hikayatin ang mga mamimili, nagtitinda at iba pa na gumamit ng bayong at ecobags bilang alternatibo sa plastic.
Batay sa datos, nasa 500 bilyong single-use plastic bag kada taon ang nagagamit ng mga mamimili sa buong mundo o halos 1 milyong plastic bag kada minuto.
Nasa 5.25 trilyong piraso naman ng plastic ang nagkalat sa mga karagatan.
Nanawagan din ang ibat ibang environmental groups sa lokal na pamahalaan na mag-isyu at istriktong magpatupad ng ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng plastic bag at maging dagdag na patakaran na magbabawal sa iba pang uri ng mga single-use plastic bag.
Sa gobyerno naman ay hinihiling nila na maglabas ng batas na magbabawal sa buong bansa sa paggawa, paggamit at pagtatapon ng mga single-use plastic bag at sa mga industriya na palitan ang mga single-use plastic ng mga pambalot o lalagyan na madaling i-reuse, i-recycle o i-compost at maging responsable sa pagkolekta at pagrecycle ng kanilang mga produkto pagkagamit bg mga ito.
Gawin umano ito hindi lang ngayong ika-10th year international plastic bag free day kundi sa lahat ng panahon.
Ulat ni Eden Santos