Paggamit ng CHED sa P10B Higher Education Development Funds, pinaiimbestigahan sa Kamara
Pinaiimbestigahan ni House Deputy Minority Leader Congressman Paul Daza sa House Committee on Higher Education ang posibleng misuse of funds sa ilalim ng Higher Education Development Funds (HEDF) ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa House Resolution no. 767, isinulong ni Daza na mag-imbestiga ang komite para mapanatili ang access ng mga mahihirap na estudyante sa tertiary education at mabawasan ang college dropout.
Inaakusahan din ng kongresista si CHED Chairman Prospero de Vera ng misuse of funds na nasa ilalim ng HEDF.
Kinastigo ni Daza si de Vera sa usapin ng P10 bilyong pondong nakalaan sa Higher Education Development Funds (HEDF).
Pinasinungalingan ni Daza ang pahayag ni de Vera na ang P10-bilyong HEDF ay para lamang sa development ng CHED at hindi maaaring gamitin sa Tertiary Educational Financial Assistance (TEFA) para sa mahihirap na estudyante gaya ng scholarship grant.
Sinabi ni Daza na hindi pa chairman ng CHED si de Vera ay ginagamit na ang pondo sa HEDF para sa scholarship grant sa mga mahihirap na deserving college students sa ilalim ng student financial assistance program ng komisyon.
Sa ilalim aniya ng pangangasiwa ni de Vera ay lumiit ang ibinibigay na financial assistance sa mga mahihirap na estudyante samantalang may inilaan namang pondo sa pamamagitan ng HEDF.
Vic Somintac