Paggamit ng Duterte squad laban sa NPA Sparrow unit, idea pa lamang ng Pangulo – Malakanyang
Niliwanag ng Malakanyang na idea o panukala pa lamang ang pahayag na bubuo si Pangulong Rodrigo Duterte ng sariling death squad na ipantatapat sa Sparrow Unit ng New Peoples Army o NPA.
Sa briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na inilutang ng Pangulo ang idea na magkakaroon ng Duterte Death Squad o DDS para tapatan ang liquidation squad ng NPA na pumapatay ng mga sundalo at pulis.
Ayon kay Panelo batid ng Pangulo na may pabor at kontra sa kanyang panukalang magtatag ng death squad.
Inihayag ni Panelo sa balak ng Pangulo na pagtatag ng sariling death squad ay gagamitin ang mga dating rebeldeng NPA na sumuko sa pamahalaan para maging point man ng DDS na kinabibilangan ng mga piling miyembro ng militar at pulisya.
Niliwanag ni Panelo sa pamamagitan ng mga point man na dating NPA ay madaling matukoy kung sino-sino ang mga target na miyembro ng Sparrow Unit ng mga rebeldeng komunista.
Iginiit ni Panelo na tungkulin ng Pangulo na pangalagaan ang kaligtasan ng bawat mamamayan kasama na ang militar at pulisya.
Ang plano ng Pangulo na magtatag ng sariling death squad ay mariing binabatikos ng kanyang mga kritiko at human rights groups.
Ulat ni Vic Somintac