Paggamit ng facemask , ipatutupad hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte
Nagpahayag ng pangamba si Pangulong Rodrigo Duterte na muling dadami ang kaso ng COVID 19 sa bansa dahil sa Omicron XE.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang regular weekly Talk to the People na batay sa report ng Department of Health bagamat patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa hindi malayong makapasok ang Omicron XE na sublineage ng Omicron variant ng COVID-19.
Ayon sa Pangulo napansin niyang nagiging kampante ang publiko kaya mayroong hindi na nagpapabakuna o kaya ay hindi na nagpapaturok ng booster shot ng anti COVID-19 vaccine partikular sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Inihayag ng Pangulo na hindi na kakayanin pa ng bansa ang panibagong wave ng kaso ng COVID- 19 dahil sa kakapusan na ng pondo ng pamahalaan.
Umapela ang Pangulo sa mga hindi pa nagpapabakuna laban sa COVID-19 na magpabakuna na at magpabooster na ang mga kuwalipikadong mamamamayan upang hindi magaya ang Pilipinas sa mga bansa na muling nagkaroon ng pagdami ng kaso ng COVID -19 dahil sa Omicron XE.
Dahil sa mga super spreeding events tulad ng mga political activities sa panahon ng kampanya kaugnay ng isasagawang halalan sa Mayo ipinag-utos ng Pangulo na hindi aalisin ang paggamit ng facemask hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa June 30 para maagapan parin ang pagdami ng kaso ng COVID-19.
Vic Somintac