Paggamit ng pangalan ng mga Partylist group, hihigpitan
Isusulong ni Comelec commissioner Rowena Guanzon ang paghihigpit sa paggamit sa pangalan ng mga personalidad sa pangalan ng mga Partylist group na lalahok sa halalan.
Ang pahayag ni Guanzon ay kasunod na rin ng desisyon ng poll body na kanselahin ang nominasyon ni dating National Youth Commission (NYC) chairperson Ronald Cardema bilang kinatawan ng party-list group na Duterte youth para sa 18th Congress.
Isa ang Duterte youth sa mga nanalong partylist group sa ginanap na may 13 Midterm elections.
Naging mainit si Guanzon at ang Duterte youth partikular ang kinatawan nito na si Cardema matapos makatanggap ng mga pagbabanta ang Comelec commissioner.
Hinala ni Guanzon, mula sa kampo ni Cardema ang mga natatanggap nyang banta.
Nilinaw naman ng Comelec official na naging patas sila sa kanilang desisyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Guanzon na nagpaabot na ng mensahe sa kanila ang House Secretary General na hindi nila papayagang makalahok sa plenaryo ng kamara si Cardema malibang makatanggap sila ng Certificate of Proclamation mula sa Comelec.
Bagamat nanalo sa halalan, hindi pa rin kasi naipoproklama ang Duterte youth dahil sa kwestyon sa kinatawan nito na si Cardema.
Alinsunod sa isinasaad ng Party-list System Act, ang kinatawan ng youth sector ay dapat na hindi lalagpas sa 30 taong gulang, sa araw ng halalan.
Si Cardema ay 34-taong gulang na.
Nanghihinayang si Guanzon dahil kung hindi sana pinalitan ng duterte youth ang kanilang 1st nominee na misis ni Cardema ay wala sanang naging problema dahil 29 anyos lang ito.
Ulat ni Madz Moratillo