Paggamit ng Philhealth funds sa iregularidad, pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan na sa Senado ang paggamit ng Philhealth sa pondo nito para bayaran umano ang mga pekeng pasyente para sa dialysis treatment.
Nauna nang ibinunyag ng whistleblower na si Edwin Roberto ang umano’y pagbabayad ng Philhealth ng mga dialysis treatment na hindi naman naisagawa at wala namang pasyente na nagpagamot.
Sinabi ni Senador Risa Hontiveros, Vice-chair ng Senate Committee on Health na dapat malaman kung kanino napunta ang bilyun-bilyong pisong pondo ng Philhealth samantalang maraming mahihirap ang walang access sa pagpapagamot.
Kailangan aniyang pagpaliwanagin ang mga opisyal dahil ang ginawa sa pondo ng Philhealth ay maituturing na pagnanakaw at pag-abuso sa health insurance funds.
Kailangan aniyang maayos ang sistema bago pa man maipatupad ang Universal Health Insurance program.
Ulat ni Meanne Corvera