Paggamit ng Radyo at TV sa pagtuturo, isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian dahil sa delay sa pagbubukas ng klase
Isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian na isama na rin ang radyo at telebisyon sa curriculum ng Department of Education bilang paraan ng pagtuturo sa mga pampublikong at pribadong eskwelahan sa buong bansa.
Kasunod ito ng pagkakaantala ng pagbubukas ng klase dahil sa epekto ng Covid-19.
Sa phone interview ng Radyo Agila kay Gatchalian na siya ring Chairman ng Senate Committee on Basic Education, sa ilalim ng Radio and Television based curriculum, maaring maglagay ng mga programa o visual interactions para magturo sa mga kabataan.
Katwiran ng Senador, bukod sa mahilig manood ng TV ang mga bata, halos 100 percent ng populasyon sa Pilipinas ang may TV at Radyo.
Sabi ng Senador ginagawa na ito ng mga bansang nagpatupad ng lockdown gaya ng Hongkong at China para hindi matigil ang pag-aaral ng mga bata.
Hinikayat naman ng Senador ang National Commission for Children’s Television na makipag-ugnayan sa mga TV network at DepEd para makagawa ng mga palabas na akma sa curriculum ng mga kabataan.
Ulat ni Meanne Corvera