Paggamit ng substandard materials sa pagpapatayo ng mga paaralan, iimbestigahan ng Senado
Pinaiimbestigahan ni Senador Robin Padilla ang umanoy substandard na mga materyales na ginamit sa konstruksyon ng isang eskwelahan sa Nueva Ecija.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng DPWH, ipinakita ni Padilla ang larawan ng Malimba Elementary School sa Gapan na nawasak nang manalasa ang bagyog Karding nito lamang Setyembre.
Gumuho ang buong eskwelahan at katabing school gym.
Pero ang nakapagtataka ayon sa Senador, maayos na nakatayo ang mga bahay sa paligid nito.
Ayon naman kay Senator Cynthia Villlar, kailangang alamin kung sino ang nagpagawa ng nasabing eskwelahan at magkano ang nagastos ng pondo rito ng gobyerno.
Depensa naman ng DPWH, isolated lang naman ang kaso.
Gayunman, handa nilang paimbestigahan kung sino at ano ang mga materyales na ginamit sa eskwelahan.
Tiniyak naman ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, na may ginagawang inspeksyon sa lahat ng proyekto ng DPWH mula sa pagpaplano hanggang sa makumpleto ang gusali.
May sinusunod rin aniyang standards sa pagpapatayo ng anumang pasilidad ng gobyerno para maging ligtas sakaling daanan ng malakas na bagyo o lindol.
Meanne Corvera