Paggamit ng Videoke, Karaoke at iba pang sound devices sa Cavite province, limitado na rin
Limitado na rin sa buong Cavite province ang oras ng pagpapatugtog ng videoke at karaoke kada araw.
Batay sa Provincial Ordinance no. 304-2020, nililimitahan na sa 3 oras o mula na lamang alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi ang paggamit ng videoke at ibang pang mga aparato tulad ng amplifier na nagiging sanhi ng ingay.
Sa nasabing ordinansa, hinihikayat ang mga mamamayan na matulog sa tamang oras at matulungan ang mga mag-aaral na mag-focus sa kanilang pag-aaral na karamihan ay online o virtual class.
Sinuman ang hindi makasusunod sa ordinansa ay may lalapatan ng karampatang multa at parusa.
Sa unang paglabag, bibigyan ng babala na itigil ang paggamit at pagpapatugtog ng videoke.
Sa ikalawang paglabag ay papatawan na ito ng 500 pisong multa at pagkakakulong ng hanggang 10 araw.
Sa ikatlong paglabag ay may multa nang 1,000 piso at pagkakakulong nang aabot sa isang buwan.
Jet Hilario