Pagguho ng lupa, lumikha ng malalaking hukay sa Taal, Batangas
Gumuho ang lupa sa isang lugar sa Barangay Laguile, Taal, Batangas.
Sa videong kuha ng residenteng si Mary Angeline Mercado Delmundo, makikita ang malalaking butas sa lupa sa magkakalapit na lugar sa nasabing barangay.
Ayon kay Angeline, dati nang may gumuhong lupa sa nasabing lugar subalit mas lumalim at nadagdagan pa ang mga ito matapos ang tuluy-tuloy na mga pag-ulan na sinundan pa ng malakas na lindol kaninang madaling araw.
Isang bahay rin ang nasira dahil lumubog ang isang bahagi ng lupang kinatatayuan nito malapit sa kinaroroonan ng mga gumuhong lupa.
Ayon sa nakatira sa nasabing bahay na si Joram de Roxas Salazar, “nangyari na ang kinatatakutan namin na yung maliit na butas sa kabilang lote noon nang dahil sa pagputok ng bulkan at naging sink hole last year nang dahil sa bagyo, subalit napabayaan nang napapabayaan hanggang mapasok ng baha at ito nga ang naging resulta”.
Dalawang buwan pa lamang aniyang naitatayo ang kanilang bahay ay nasira na agad dahil sa gumuhong lupa.
Humihingi rin ng tulong ang mga residente na matambakan kaagad ang malalaking butas sa lupa sa pangambang pagmulan pa ang mga ito ng aksidente.
Panoorin ang video sa Radyo Agila Youtube Channel.